RSS

Category Archives: (Parang) Maikling Kwento

Ang Manika

Isang gabing tahimik.

Tinignan ko ang orasan. Alas dose na ng hatinggabi. Tulog na ang lahat ng kasambahay at ako na lang ang gising. Pero kailangan ko pang magligpit dahil nakakalat pa ang mga laruan ng pamangkin ko.

Yung pamangkin ko, lalake siya. Tatlong taon. Marami siyang laruan, at kapag naglaro siya lahat ng laruan ilalabas niya kahit hindi naman lahat e nalalaro. At nung araw na iyon, inabot siya ng alas nuebe kakalaro.

Mga bandang alas diyes iniakyat na siya ng mama niya sa kwarto sa itaas para matulog. Ako naman ngayon ko pa lang sinisimulang magligpit, para pag dating nang bayaw ko na mula sa overtime na trabaho e malinis na at matutulog na lang siya.

Nagsisimula pa lang akong magligpit nang may biglang tumayong manika mula sa tambak ng mga laruan. Sa tingin ko parang de-baterya yung manika. Pero hindi ko alam na ibinili pala ng manika ang pamangkin ko ng kanyang papa. Weird. Ang alam ko kasi, laging panlalaking laruan lang ang ibinibigay sa kanya.

Pero bakit may manika dito? Wala ito dito kanina. Ngayon ko lang ito nakita dito sa bahay namin.

Naglakad ang manika papunta sa akin. Sa simula akala ko baterya ang nagpapagana sa kanya. Pero may kakaiba. Yung mukha niya na kanina ay maamo ngayon nagsisimulang magkararoon ng bakas ng galit. Ang mga mata nanlilisik, ang mga labi nakangisi. Hanggang ang kaninang bakas lang ng galit sa mukha ng manika ay naging tila nag-aapoy na galit sa kanyang mukha. Dahan-dahan siyang naglakad papalapit sa akin.

“Shit!” Di ako nagmumura pero sa takot ko at pagkabigla napamura ako. Anong gagawin ko? Habang lumilipas ang bawat segundo, lumiliit ang pagitan namin ng manika. Papalapit na siya…

ng papalapit,

ng papalapit,

ng papalapit,

Hanggang sa naiisipan kong tumakbo paakyat sa itaas. Swerte ko, malapit ako sa hagdanan. Pero laking gulat ko nang makita ko mula sa itaas na ang manika ay sumampa sa unang baitang ng hagdan gamit ang kanyang mga kamay at paa para sumunod sa akin. Mabagal ang pag-akyat niya, pero mabilis ang tibok ng puso ko…sa takot. Ang pawis ko nagbubutil-butil, malamig. Nakakatakot ang kakaibang tanawin ng manikang umaakyat sa hagdan habang ang mga mata niyang puno ng galit ay nakatingin sa akin. Natatakot ako, pero hindi ako makaalis. Takot akong tignan siya, pero sa di malamang kadahilanan gusto ko siyang tignan kung paano niya isa-isahin ang bawat baitang ng hagdan.

Hanggang sa makaabot siya sa pinamataas na baitang ng hagdan. Sa ikalawang palapag ng aming bahay.

Tumakbo ako papalayo, pero naisip kong balikan ang manika para sipain pababa sa hagdan. Para mahulog at mamatay, kung may buhay man nga talaga siya. Pero bago ko pa mabalikan ang manika nagising ang ate ko at ang pamangkin ko na tatlong taong gulang. Nakita ng pamangkin ko ang manika na malapit sa hagdanan. Nakalapag lang sa sahig ang manika, walang sariling buhay, hindi gumagalaw. Nilapitan ito nang pamangkin ko, dinampot at dinala pababa ng hagdan.

Hinabol ko ang pamangkin ko para kuhanin ang manika mula sa kanya. Hindi ko alam kung anong kapangyarihan ng demonyo ang nagpapagana sa manika na iyon at kung anong pwede niyang gawin sa pamangkin ko. Pero mabilis na nakababa ang pamangkin ko…mabilis para sa isang tatlong taong gulang na bata na may bitbit na manika.

Sa ibaba, nakita kong nakalapag ang manika sa sahig walang sariling buhay at di gumagalaw, sa paanan ng pamangkin ko na nakatayo. Ako nasa hagdanan pa rin, mga tatlo o apat na baitang pa bago makababa. Nangungulit sa akin ang pamangkin ko at tinatawag akon para bumaba, pero di ako makababa sa takot ko sa manika. Alam kong pwedeng gumalaw ang manika anumang oras at gumawa ng kung anong kasamaan sa akin. Nag-iiyak ang pamangkin ko dahil sa hindi ko pagbaba, at iwinasiwas niya ang kanyang kamay. Kakawasiwas niya ng kanyang kamay, tumama ito sa pader sa tabi niya at siya ay nasaktan. Pansamantala siyang natigilan sa pag-iyak na nasundan ng mas malakas na atungal.

Sa pagaalala ko sa pamangkin ko, bumaba ako sa hagdan para lapitan siya at tignan ang kanyang kamay na tumama sa pader. Pagbaba ko sa hagdanan, gumalaw ang manika at kumapit sa binti ko. Sa sobrang takot ko sa manika sinipa ko ito.

May tinamaan na kung ano ang paa ko….

…at bigla akong nagising mula sa pagkakatulog. Humihingal, pinagpapawisan ng malamig at mabilis ang tibok ng puso.

Panaginip lang pala. Akala ko totoo. Kinapa ko ang ilalim ng unan ko para kuhanin ang cellphone ko at tingnan kung anong oras na.

Alas dose na ng hatinggabi.

Tumayo ako mula sa pagkakahiga sa aking kama para buksan ang ilaw ng aking kwarto.

Pagbukas ng ilaw, para akong kakapusin ng hininga habang napapanganga at nanlalaki ang mga maluha-luha kong mata, bumilis ang tibok ng puso ko at pinagpawisan ako ng malamig sa nakita ko.

May manika sa sahig malapit sa paanan ng kama ko.

Pero bakit may manika dito? Wala ito dito kanina. Ngayon ko lang ito nakita dito sa bahay namin.


Kaunting paliwanag tungkol sa kwento:

Napanaginipan ko talaga yan. Mula yan sa totoong panaginip. Ang hindi lang totoo eh yung manika sa kwarto ko. Wala akong balak sumulat ng horror, kaso para di ko makalimutan ang napanaginipan ko, ginawan ko ito ng kwento. Sana nag-enjoy ka sa pagbabasa ­čÖé

Advertisements
 
Leave a comment

Posted by on July 26, 2013 in (Parang) Maikling Kwento

 

Sabado

Tanghaling tapat at tirik na tirik ang araw. Sa init ng lupa ay para na akong kinilaw. Hiyang hiya magpakita ang anino ko na nagtatago lang sa mismong paanan ko. Automatic na kumukunot pati noo ko.

Masarap sanang mag-samalamig kapag ganitong mainit ang panahon. Pero pag kakita ko sa pitaka ko. SHETE!! . Sakto lang ang baon ko at pamasahe. Eto ang mahirap kapag istudyante. Dumedepende ka lang sa perang ibinibigay ng magulang mo. Responsibilidad mong magtipid at magbadyet ng sarili mo. Dahil kapag nag-enjoy kang kumain atnag-short ang pang pamasahe mo, No Choice. Mahaba-habang lakaran habang kainitan ang kahahantungan mo.

Badtrip.Lalong nag-init ang katawan ko na umabot na yata hanggang sa ulo.Banas na banas na ko. Nakasimangot na at hindi na maipinta ang mukha ko. Tumabi tabi na kayo. Mainit na ang ulo ko. Kaya kong manuntok ngayon ng kahit na sino. Kahit sino pwede kong patulan.Kahit kanino kaya kong makipagsagutan. Lalo pa ngayong katatapos lang ng subject naming Philosopy of Man. Tangina! Punong puno ako ngayon ng pilosopiya sa katawan.

Wala akong nagawa. Nag-abang na lang ako ng jeep sa hintayan. Paparating na ang kulay pulang jeep. Huminto sa harapan ko. Dali dali akong nakipag-unahan ng pagsakay sa mga nag-aabang ding mga istudyante. May mga magagandang istudyanteng hindi nakasakay na sa tingin ko ay mga tourism student. Malas lang nila, ang tataas kasi ng mga heels kayaang babagal magsikilos ng mga gaga. Nagsisisigaw pa sila ngayon,akala naman nila madadagdagan ang upuan ng jeep sa ginagawa nila.Tinignan ko kung sino ang sinisigawan nila. Aba, may isa pang magandang dalaga. Nakaupo sa mismong tapat ko. Kasama yata ng mga dalagang nasa labas. Tila nagpapaalaman. Mukhang siya lang ang pinalad na makasakay sa kanila. Ayos to, mukhang may matititigan ako. Mainam, pampawala ng init ng ulo.

Sumampana sa jeep ang kundoktor. Pinakakalansing na ang barya sa palad niya. Oras na ng bayaran. Inabot ko ang pitong piso ko sa kanya. Saglit niyang binilang, tumingin sa akin.

“Piso pa.”┬ásabi niya.

Nagula tako sa sinabi. Alam ko tama ang pagkakabilang ko. Ano lang ba ang pitong piso at magkakamali pa ko. Pero kahit ganun ang nasa isip ko,dali dali ko pa rin tinignan ang baryang inabot ko. Baka sakaling mali nga ako.

“Magkano po ba binigay ko?”┬átanong ko.

“Syete,…kulang pang piso. Otso pamasahe.”

Nanlaki ang mga mata ko. Kailan pa nagtaas ng singil sa pamasahe? Alam ko linggo linggo nagtataas ang presyo ng gasolina. Pero wala naman akong nababalitaang strike ng mga tsuper kaya hindi magtataas agad agad ang pamasahe. At hindi naman ganun kalayo ang bababaan ko para maging otso ang babayaran ko.

“Istudyante lang po.”┬ákatwiran ko.

“Walang istudyante ngayon, Sabado.”

Lalong nanlaki ang mata ko na sinabayan pa ng usok sa ilong at magkabilang tainga. Biglang nag-init na naman ang ulo ko sa narinig ko. Sino’tong hampaslupang ito para sabihing bawal ang istudyante kapag sabado. Kawani ba siya ng DepEd o kaya ng CHEd para ipagbawal ang mga mag-aaral.

Kung ako lang, kanina ko pa tinadyakan ‘to pero mas pinili kong maging kalmado. Pinairal ko pa rin ang respeto at ang katotohanang istudyante ako at may pinag-aralang tao.

“Bawal na ho ba ngayong mag-aral kapag Sabado?”

“Papaano niyo ho nasabing walang istudyante kapag Sabado?”

Tumingin ulit sa ‘kin ang kunduktor. Wari ay tinitiyak niya kung sa bibig ko talaga nanggaling ang mga salita. Mukhang sa tinagal tagal niya sa ganitong trabaho ay ngayon lang siya nakarinig ng ganung mga katanungan.

“Napag-utusan lang ako. Kung may reklamo ka, ‘dun ka sa driver magreklamo”

Sa pagkakataong ‘yun, asar na asar na talaga ko. Aba, sino ba namang hindi magrereklamo? Hindi naman ako ang may problema, kayo! Tama naman ang bayad ko tapos sisingilin mo pa ako ng piso. Pwede sana kung hindi ako naka-ID at uniporme para masabi mong hindi ako istudyante. Sisisihin mo pa ang driver eh magkasabwat naman kayo.

Hindi ko na napigilan ang sarili ko. Bigla bigla parang gusto kong mamahiya ng gago sa harap ng maraming tao.

“Hindi ko po intensyong pahiyain kayo pero putangina po, hindi po ako magbibigay ng piso dahil tama naman ang binayad ko po. At kung may reklamo po kayo dahil sa sinabi niyo po na walang istudyante kapag sabado. ‘Dun po kayo magreklamo sa opisina ng mahal naming paaralan po at sabihin n’yo po na huwag kaming bigyan ng klase tuwing sabado po. Para po, pare-pareho po tayong masaya. Anu po?”

Sabay sabay akong tinignan ng masama ng kundoktor at ng ibang mga pasahero dahil sa sinabi ko. Ang iba ay tumatawa, ang iba’y napanganga. Sa tingin ko tama naman ang sinabi ko at hindi naman nawala ang paggalang ko.

Mukha atang natulilig na ang tainga ng kundoktor sa lahat ng mga narinig niyang mga walang kapararakang salita at pamamahiya. Iniisip ko ngayon kung ano nang susunod na gagawin niya, kung ano nang susunod na sasabihin niya. Kailangan kong maging handa sa kung ano mangkakahinatnan ng panggagago ko dahil sigurado akong gaganti ‘to at wala sa hitsura nito ang nagpapatalo.

Lumihis ang tingin ng kundoktor papunta sa tsuper. Wari’y may sinesenyas na kung ano. Sa isip ko, ayos mukhang susuko na ang mga ito at pagbibigyan na ako sa aking piso. Mukhang ako ang tatanghaling panalo.

“Oh,’eto’ng pera mo. Sa iba ka na lang sumakay kung gusto mo. Ang dami mong satsat! “┬ásabi niya.

Aba,at ayaw talagang magpatalo ni kuya. Sabi ko na nga ba, hindi siya basta basta. Pinanindigan niya pa rin ang baluktot niyang katwiran. Hindi ‘ata talaga niya ko patatawarin sa pisong kailangang bayaran.

Hindi ko rin masyadong nagustuhan ‘yung mga huling kataga niya. Ang damikong satsat? Eh, ano ngayon kung masyado akong maraming sinasabi. Wala akong balak na tumahimik na lang at kunsintihin ang mga pinaggagagawa niyo sa mamamayan lalong lalo na sa mga katulad kong mag-aaral. Tinatanggalan niyo kami ng karapatan. Ipinagkakait niyo saamin ang diskwento na dapat ay natatanggap namin. Gaano na lang ba karami ang karapatan naming mga istudyante na naghihirap sa pag-aaral kumpara sa inyong mga manggagawa na may sapat namang kinikita. Na sa kakarampot na barya lang ay hindi niyo pa mapatawad.

At ako pa ngayon ang hinamon niyo. Ano? Sa tingin niyo ipapaubaya ko nalang sa inyo ang piso ko at tatanggapin na lang ang pagkatalo.

Kinuha ko ang bayad ko.

“Akin na nga ho yang bayad ko. Alam n’yo ba kung anung gagawin ko. Tatayo ako dito sa kinauupuan ko at baba ng jeep n’yo para makita ng ibang pasahero n’yo at nang maipamuka na rin sa inyo na mali ang ginagawa ninyo.”

“At sabi niyo nga sa iba na lang ako sumakay. Oo, sa iba talaga ako sasakay. ‘Dun ako sasakay sa jeep ng tsuper at kundoktor na kayang irespeto ang kakarampot na pribilehiyo na ipinagkaloob sa’ming mga istudyante ng gobyerno.”

Bumaba ako ng jeep. Hinintay ko munang makaalis ang sasakyang ‘yun bago lingonin ng tingin. Masyadong maraming pangyayari ang naganap sa loob ng sasakyang iyon na hindi inaasahan. Ngayon ‘di ko malaman kung ano ang dapat kong maramdaman. Ngayon, nagsisisi na ako kung bakit pa ako bumaba sa sasakyan at nakabilad na naman ngayon sa initan. Ngayon,mag-aabang na naman ako ng jeep na masasakyan.

Paparating na ang pulang jeep. Dali dali akong sumakay. May mga istudyanteng hindi nakasakay. May magandang dalagang nakaupo sa mismong tapat ko.Nawala ang init ng ulo ko.

Sumampana sa jeep ang kundoktor. Pinakakalansing na ang barya sa palad niya.Oras na ng bayaran. Inabot ko ang pitong piso ko sa kanya. Saglit niyang binilang, tumingin sa akin.

“Piso pa.”┬ásabi niya.

Nagulat ako sa sinabi niya.

Kinapa ko ang bulsa ko at binigay ang piso na hinihingi niya.

(Gawa-gawa ni Jhive Rioflorido, member ng Pinoy Reads Pinoy Books bookclub. At naastigan si Berto kaya nilagay dito. Source: Sabado)

 
Leave a comment

Posted by on May 4, 2013 in (Parang) Maikling Kwento

 

Estupidyante

Tulad ng araw-araw niyang ginagawa, maagang gumising si Kristoffer para maghanda sa pagpasok sa paaralan. Nag-aaral siya ng kursong engineering sa isang sikat na university sa Maynila. Hindi naman talaga malayo ang bahay nila sa pinapasukan niyang universtiy. Gumigising lang talaga siya ng maaga para mayroon siyang mahabang oras sa paghahanda. Lalo na sa pag-aayos (pagggugulo) ng buhok niyang nalulunod sa wax.

Ginawa niya ang araw-araw na ginagawa niya bilang paghahanda sa pagpasok sa paaralan. Kumain ng agahan, naligo, nagsepilyo, nagpabango…at syempre, naglagay ng wax sa buhok at inayos (ginulo?) ito.

Araw-araw din na makintab ang sapatos niya na gabi-gabi niyang nililinisan kahit walang pasok kinabukasan para naman (daw) maging kagalang-galang siya. Hindi pa man kasi siya nakakatapos ng kursong engineering, engineer na ang tingin niya sa sarili niya. At kahit hindi man magsalita, halata sa kilos at galaw niya na ipinagmamalaki niya ang kursong kinukuha niya..at ang sikat na university na pinapasukan niya.

At syempre, sinuot niya ang kanyang itim na islaks na pantalon, at polong plantsado na may patch ng sikat na university na pinapasukan niya.

Suot ang kanyang bag at ID, bitbit ang kanyang T-square at tube na lalagyan ng plates, lumabas siya ng kanilang bahay.

Sa paglalakad niya sa kanilang lugar,papunta sa sakayan ng jeepney marami ang tumitingin sa kanya. Dahil bagong lipat lang sa lugar, wala pa siyang masyadong kakilala at ka-close sa lugar kaya wala siyang binabati…at wala rin namang bumabati sa kanya. Tinitignan lang siya. At dahil gusto niyang ipagmalaki na engineering ang kurso niya at nag-aaral siya sa isang sikat na university sa Maynila, mas matikas pa ang ginawa niyang paglalakad.

“Edukado akong tao”, sa isip-isip niya.

Pero nakatingin lang sa kanya ang mga kapitbahay niya na nadaanan niya…

…at tumawa nung nakalayo na siya.

Sa jeepney. Matanda na ang driver. Kakaunti lang silang pasahero. At walang estudyante ng anumang paaralan siyang nakasakay.

Nasa dulo siya ng jeepney nakapwesto. Hulihang bahagi ng sasakyan.

“Manong, bayad po”, sabi ni Kristoffer sabay abot ng sampung piso na iniabot naman sa driver ng isang aleng kasakay niya.

“Eto sukli oh! Pakiabot na lang po!”, sabi naman ng mamang driver. At iniabot naman ulit ng ale kay Kristoffer ang dalawang pisong sukli.

“Manong, estudyante lang po yung sampu”, sabi ni Kristoffer.

Patuloy lang sa pagmamaneho ang driver na di yata narinig ang kanyang sinabi. Di rin naman pinansin ng ibang pasahero ang sinabi niya. Nagsimula nang uminit ang ulo niya pero naghintay pa siya ng ilang sandali ┬ábago ulitin…”Manong, estudyante lang po yung sampu. Kulang pa ho ng piso.”

Pero patuloy pa rin ang mamang driver sa pagmamaneho.

Dumating siya sa destinasyon na bababaan niya. At tiyempo namang nagsibabaan din ang lahat ng pasaherong kasakay niya sa jeepney.

Dito nagsalita na si Kristoffer, malakas ang boses, “Putang ina naman manong, di niyo ba nahahalatang estudyante ako?!?! Nakauniporme ako oh! May ID at Bag ako! Di ba obvious na estudyante ako? Tang-ina kanina pa ako sigaw ng sigaw na kulang yung sukli e. Style ninyong mga driver bulok. Kunwari di naririnig ang pasahero. Putang ina! Pweh!”

Nilingon siya ng pobreng driver. Ibinigay kay Kristoffer ang pisong kulang sa sukli niya. Para wala nang argumento, para matapos lang ‘to.

Bumaba si Kristoffer na mainit ang ulo. Pabulong-bulong, pamura-mura. Salita ng salita sa sarili niya.

“Putang ina! Buwisit! Alam nang estudyante ako eh, kulang ang isusukli. Akala niya maiisahan niya ako. E nilalaro ko lang ang Mathematics. ‘Tang inang yan! Engineer ‘to! Di niya ko pwedeng gaguhin. Putang ina, matanda na di pa marunong magbilang.”

At marami pang ibang salita na hawig niyan.

Pagdating niya sa sikat na university sa Maynila na pinapasukan niya…

“Bakit sarado ang school?”, nagtatakang tanong ni Kristoffer sa gwardiya na di niya alintana ang laki ng agwat ng edad sa kanya.

“Boss, HOLIDAY HO NGAYON”. Sagot ng gwardiya.

Napalunok si Kristoffer at pinagpawisan ng malamig. Nagbalik sa kanyang alaala lahat ng nangyari kanina at napabulong ng…

“Nawala sa isip ko na….”


(Gawa-gawa ni Berto, Marso 7, 2013…..subok lang, nangangarap maging manunulat eh.)

 
7 Comments

Posted by on March 7, 2013 in (Parang) Maikling Kwento