RSS

Monthly Archives: July 2013

Ang Manika

Isang gabing tahimik.

Tinignan ko ang orasan. Alas dose na ng hatinggabi. Tulog na ang lahat ng kasambahay at ako na lang ang gising. Pero kailangan ko pang magligpit dahil nakakalat pa ang mga laruan ng pamangkin ko.

Yung pamangkin ko, lalake siya. Tatlong taon. Marami siyang laruan, at kapag naglaro siya lahat ng laruan ilalabas niya kahit hindi naman lahat e nalalaro. At nung araw na iyon, inabot siya ng alas nuebe kakalaro.

Mga bandang alas diyes iniakyat na siya ng mama niya sa kwarto sa itaas para matulog. Ako naman ngayon ko pa lang sinisimulang magligpit, para pag dating nang bayaw ko na mula sa overtime na trabaho e malinis na at matutulog na lang siya.

Nagsisimula pa lang akong magligpit nang may biglang tumayong manika mula sa tambak ng mga laruan. Sa tingin ko parang de-baterya yung manika. Pero hindi ko alam na ibinili pala ng manika ang pamangkin ko ng kanyang papa. Weird. Ang alam ko kasi, laging panlalaking laruan lang ang ibinibigay sa kanya.

Pero bakit may manika dito? Wala ito dito kanina. Ngayon ko lang ito nakita dito sa bahay namin.

Naglakad ang manika papunta sa akin. Sa simula akala ko baterya ang nagpapagana sa kanya. Pero may kakaiba. Yung mukha niya na kanina ay maamo ngayon nagsisimulang magkararoon ng bakas ng galit. Ang mga mata nanlilisik, ang mga labi nakangisi. Hanggang ang kaninang bakas lang ng galit sa mukha ng manika ay naging tila nag-aapoy na galit sa kanyang mukha. Dahan-dahan siyang naglakad papalapit sa akin.

“Shit!” Di ako nagmumura pero sa takot ko at pagkabigla napamura ako. Anong gagawin ko? Habang lumilipas ang bawat segundo, lumiliit ang pagitan namin ng manika. Papalapit na siya…

ng papalapit,

ng papalapit,

ng papalapit,

Hanggang sa naiisipan kong tumakbo paakyat sa itaas. Swerte ko, malapit ako sa hagdanan. Pero laking gulat ko nang makita ko mula sa itaas na ang manika ay sumampa sa unang baitang ng hagdan gamit ang kanyang mga kamay at paa para sumunod sa akin. Mabagal ang pag-akyat niya, pero mabilis ang tibok ng puso ko…sa takot. Ang pawis ko nagbubutil-butil, malamig. Nakakatakot ang kakaibang tanawin ng manikang umaakyat sa hagdan habang ang mga mata niyang puno ng galit ay nakatingin sa akin. Natatakot ako, pero hindi ako makaalis. Takot akong tignan siya, pero sa di malamang kadahilanan gusto ko siyang tignan kung paano niya isa-isahin ang bawat baitang ng hagdan.

Hanggang sa makaabot siya sa pinamataas na baitang ng hagdan. Sa ikalawang palapag ng aming bahay.

Tumakbo ako papalayo, pero naisip kong balikan ang manika para sipain pababa sa hagdan. Para mahulog at mamatay, kung may buhay man nga talaga siya. Pero bago ko pa mabalikan ang manika nagising ang ate ko at ang pamangkin ko na tatlong taong gulang. Nakita ng pamangkin ko ang manika na malapit sa hagdanan. Nakalapag lang sa sahig ang manika, walang sariling buhay, hindi gumagalaw. Nilapitan ito nang pamangkin ko, dinampot at dinala pababa ng hagdan.

Hinabol ko ang pamangkin ko para kuhanin ang manika mula sa kanya. Hindi ko alam kung anong kapangyarihan ng demonyo ang nagpapagana sa manika na iyon at kung anong pwede niyang gawin sa pamangkin ko. Pero mabilis na nakababa ang pamangkin ko…mabilis para sa isang tatlong taong gulang na bata na may bitbit na manika.

Sa ibaba, nakita kong nakalapag ang manika sa sahig walang sariling buhay at di gumagalaw, sa paanan ng pamangkin ko na nakatayo. Ako nasa hagdanan pa rin, mga tatlo o apat na baitang pa bago makababa. Nangungulit sa akin ang pamangkin ko at tinatawag akon para bumaba, pero di ako makababa sa takot ko sa manika. Alam kong pwedeng gumalaw ang manika anumang oras at gumawa ng kung anong kasamaan sa akin. Nag-iiyak ang pamangkin ko dahil sa hindi ko pagbaba, at iwinasiwas niya ang kanyang kamay. Kakawasiwas niya ng kanyang kamay, tumama ito sa pader sa tabi niya at siya ay nasaktan. Pansamantala siyang natigilan sa pag-iyak na nasundan ng mas malakas na atungal.

Sa pagaalala ko sa pamangkin ko, bumaba ako sa hagdan para lapitan siya at tignan ang kanyang kamay na tumama sa pader. Pagbaba ko sa hagdanan, gumalaw ang manika at kumapit sa binti ko. Sa sobrang takot ko sa manika sinipa ko ito.

May tinamaan na kung ano ang paa ko….

…at bigla akong nagising mula sa pagkakatulog. Humihingal, pinagpapawisan ng malamig at mabilis ang tibok ng puso.

Panaginip lang pala. Akala ko totoo. Kinapa ko ang ilalim ng unan ko para kuhanin ang cellphone ko at tingnan kung anong oras na.

Alas dose na ng hatinggabi.

Tumayo ako mula sa pagkakahiga sa aking kama para buksan ang ilaw ng aking kwarto.

Pagbukas ng ilaw, para akong kakapusin ng hininga habang napapanganga at nanlalaki ang mga maluha-luha kong mata, bumilis ang tibok ng puso ko at pinagpawisan ako ng malamig sa nakita ko.

May manika sa sahig malapit sa paanan ng kama ko.

Pero bakit may manika dito? Wala ito dito kanina. Ngayon ko lang ito nakita dito sa bahay namin.


Kaunting paliwanag tungkol sa kwento:

Napanaginipan ko talaga yan. Mula yan sa totoong panaginip. Ang hindi lang totoo eh yung manika sa kwarto ko. Wala akong balak sumulat ng horror, kaso para di ko makalimutan ang napanaginipan ko, ginawan ko ito ng kwento. Sana nag-enjoy ka sa pagbabasa 🙂

 
Leave a comment

Posted by on July 26, 2013 in (Parang) Maikling Kwento